KABATAAN: PAG-ASA NG BAYAN


“Nasaan na ang mga kabataang nagmamahal sa bayan?”

Nang marinig ko ang katanungang ito, may kung anong kumurot sa aking puso dahil alam kong may punto ito. Nasaan na nga ba ang mga kabataang Pinoy, pag-asa ng bayan, na tinutukoy ni Rizal? Nasaan na nga ba ang dapat sana’y umaakay sa mga nakakatanda at umaalalay sa mga nakakabata?

Napakarami nang mga kabataang Pinoy ang babad sa kaka-selfie para may mai-upload sa kani-kanilang mga social media accounts. Napakaraming kabataang pinoy ang imbes na mag-aral ng mabuti o di kaya’y gumawa ng isang bagay na mainam, ay nagpapaka-addict sa kung anu-anong mga computer games o ‘di kaya nama’y smartphone games. Napakaraming mga kabataang Pinoy ngayon ang mas pinipiling mag-bisyo kaysa matuto.

Ilan na nga bang kabataang Pinoy ang nakakaisip na pagbutihin ang pag-aaral para makagawa ng isang magandang bagay para sa ikakaganda ng buhay ng kanyang pamilya at bayan? Ilan na nga bang kabataang Pinoy ang nagbabasa ng ‘book’ para madagdagan ang kanyang kaalaman imbes na magpaka ‘famous’ sa ‘facebook’? Ilan na nga bang kabataang Pinoy ang nagiging magaling para mapagaling ang kapwa at hindi dahil gusto lang pumunta sa ibang bansa?

Sa mga kagaya kong kabataang Pinoy, ano nga ba ang halaga ng ating mga kabalbalang ginagawa? May mga natitira pa bang handang tumayo sa kinaruruonan at maging magandang halimbawa sa kapwa kabataan? May mga natitira pa bang handang maging ‘buhay na bayani’ sa bansang Pilipinas sa pamamagitan ng pagiging masunuring anak na may takot sa Diyos? May mga natitira pa bang hindi lang ang sarili ang iniisip kundi pati rin ang kapakanan ng mas nakakarami? May mga natitira pa bang hindi nasira ang buhay dahil sa bisyo – sigarilyo, alak, at druga? May natitira pa bang handang tumayo at maniwala na baling araw gaganda rin ang buhay sa Pilipinas, hindi dahil nagsi-puntang ibang bansa ang mga magagaling kundi dahil nagsi-tayuan ang mga kabataang Pinoy at nagsabing, “Tama na ang pananahimik, ang hindi pangingi-alam, ang pagsasawalang-bahala, at ang pagiging tanga”?

Naniniwala pa rin ako na ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan. Pa-isa-isa man kaming natatauhan, pero pag lahat na tayo nagsama-sama at tayo mismo ang maging pagbabago na ating hinihiling sa ating bayan, pasa-saan ba’t magbabago nga ito.

Naniniwala pa rin ako na ang mga turo ng mga nakakatanda ang siyang gabay sa aming mga kabataan para maging mas maayos na henerasyon. Kaya sana, sa mga nakakatanda, tayo ay maging tamang ihemplo sa aming mga kabataan.

Sa mga nakakatanda, sana po maging tamang gabay kayo sa aming mga nakakabata para po matupad naming ang sabi ni Rizal na kami ang pag-asa ng bayan.

Sa mga kagaya kong kabataan, sana gawin natin lahat ng makakaya natin hindi lang para mag-enjoy kundi para maging halimbawa sa isa’t-isa. Sana tayo ay maging tunay ngang pag-asa at hindi dahlia ng pagdurusa at pagluluksa ng ating inang bayan.


Ngayong, nalalapit na eleksyon, ako po’y nananawagan sa lahat ng Pilipino na sana bago po natin sulatan an gating mga balota ay alalahanin natin an gating mga anak at magiging anak. Sana alalahanin natin kung ano bang kinabukasan ang gusto natin para sa kanila. Sana hindi tayo maging makasarili at isiping dibale’t pagdating ng panahon ay wala naman na tayo.

0 comments :